Konstruksyon ng beaching ramp sa Pag-asa Island, natapos na; DND Secretary Delfin Lorenzana, personal na pinangunahan ang inagurasyon

Natapos na ang ginagawang beaching ramp sa Pag-asa Island sa Palawan na isa sa mga inaangking isla ng China.

Mismong si Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nanguna sa ginawang inagurasyon ngayong araw sa isla.

Ayon kay Lorenzana, ang pagkakaroon ng beaching ramp sa Pag-asa Island ay kauna-unahang major upgrade para sa isa sa mga isla na sakop ng West Philippine Sea.


Aniya, sa ngayon mas maraming construction materials na ang madadala sa lugar para patuloy na makapag-ayos ng iba pang mga proyekto sa isla.

Kasama ni Lorenzana na tumungo sa isla para pangunahan ang inagurasyon sina Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Felimon Santos Jr., Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Lt. Gen. Giovanni Bacordo, Airforce Chief Lt. Gen. Allen Paredes, Army Chief Lt. Gen. Gilbert Gapay at AFP Western Command Commander Lt. Gen. Erickson Gloria.

Ang beaching ramp ay isa lamang sa apat na proyekto ng AFP na may pondong mahigit 268 milyong piso.

Tiniyak naman ni Lorenzana na walang mangyayaring militarisasyon sa lugar dahil hindi mga heavy weapons ang armas ng mga sundalong nakatalaga doon.

Pahayag ito ng kalihim sa pangambang isipin ng China na pinapalakas ng Pilipinas ang pwersa sa Pag-asa Island.

Aniya, nais lamang ng pamahalaan na ma-improve ang mga teritoryo ng bansa katulad ng Pag-asa Island.

Facebook Comments