Uumpisahan na ngayong araw, June 13, 2020, ang konstruksyon ng bike lanes sa EDSA.
Ito ang inanunsyo ng Department of Transportation (DOTr) kasunod ng pagpupulong ni Transportation Secretary Arthur Tugade sa mga opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pangunguna ng kanilang Chairperson na si Danny Lim.
Sa pulong, nagkasundo sina Tugade at Lim na pabilisin ang pagtatayo ng protected bike lanes sa kalsada at hindi sa bangketa o sidewalk.
Layunin nitong isulong ang aktibong paraan ng transportasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Tugade, nais nilang magkaroon ng maayos na movement ng mga tao habang tinitiyak ang kanilang kaligtasan.
Sinabi naman ni Lim, ang bike lane ay magbibigay ng nasa 1.5 meters na espasyo para sa mga siklista.
Ang proyekto ay mayroong dalawang bahagi, ito ay ang interim at long term.
Bago ito, inilabas ng DOTr ang modelo ng designated bike lanes, pedestrian crossing at bus boarding areas sa EDSA sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) setting.