Inihayag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na malapit nang makumpleto ang konstruksyon ng circumferential sewage interceptor at isang communal septic tank sa Baseco area sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, ito ang isusunod nilang tapusin matapos solusyunan ang geo-engineering at beach nourishment component ng Manila Bay clean-up.
Tuluy-tuloy aniya ang ibang bahagi ng proyekto kabilang dito ang dredging at desilting activities upang maibalik ang dating kalidad ng tubig sa Manila Bay.
Aniya, hindi sila nagpapaapekto sa mga pagpuna ng mga makakaliwang grupo at oposisyon.
Publiko aniya ang huhusga sa DENR kung nagtatrabaho ito para ipatupad ang mandamus ng Korte Suprema.
Kahapon, ininspeksyon ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta ang kontrobersyal na dolomite sand.
Pinuri ni Peralta ang DENR dahil sa pagpapakita ng determinasyon na ipatupad ang 12 taong direktiba na i-rehabilitate ang Manila Bay.