
Para matiyak na matututukan ang mga aksyon sa kabuhayan sa agrikultura at masigurong bawat matatapos na kilometro ay susuporta sa mga komunidad ng pagsasaka, pangangasiwaan na ng Department of Agriculture (DA) ang konstruksiyon ng mga farm-to-market roads mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) simula sa susunod na taon.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., mainam na sila ang mangasiwa sa pagpapatayo ng mga mahalagang imprastruktura upang umangat ang ekonomiya sa mga kanayunan, maibaba ang gastos sa produksiyon, at magdala ng kasaganaan sa kabukiran.
Una rito, nagpulong sina Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. at Public Works Secretary Vince Dizon upang i-review ang audit ng mga nakalipas na farm-to-market road projects at alamin kung may mga nakompromiso.
Tinalakay rin sa kanilang pag-uusap ang mga nakabinbing proyekto ngayong 2025, at iminungkahi ng DPWH na kumpletuhin ang mga ito sa ilalim ng catch-up plan.
Ang 2025 catch-up plan ang magsisilbing blueprint o basehan kung paano pangangasiwaan ng DA ang mga proyektong kalsada.
Kaugnay nito, naghahanda na ang DA para sa DPWH handover sa susunod na taon, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilisan ang pagtatapos ng mga imprastruktura sa tamang halaga.









