Friday, February 13, 2026

Konstruksyon ng kauna-unahang subway sa bansa, nasa kalahati na; BGC Subway Station sa Taguig, sisimulan na rin

Nasa 54.79% na ang konstruksyon ng kabuuang Metro Manila Subway Project, na kauna-unahang subway sa bansa.

Saklaw nito ang 17 istasyon mula Valenzuela City hanggang Parañaque City at oras na matapos aabot sa 41 minuto ang biyahe mula East Valenzuela hanggang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Kaninang umaga, personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Shaw Boulevard Station at sinabing mas mabilis pa sa target ang takbo ng konstruksyon.

Samantala, sisimulan na rin ang konstruksyon ng Bonifacio Global City (BGC) subway station.

Magdurugtong ito mula Shaw Boulevard Station sa Pasig hanggang Lawton Avenue sa Taguig.

Ayon sa pangulo, oras na makumpleto ang buong linya mula Valenzuela hanggang Bicutan, bababa sa 29 minuto ang biyahe mula Valenzuela hanggang BGC mula sa dating halos isa’t kalahating oras.

Layunin ng proyekto na maibsan ang trapiko at magbigay ng mas mabilis at maaasahang transportasyon sa Metro Manila.

Target ng gobyerno na isagawa ang demo run ng subway sa 2028 at ang full operation nito sa 2032.

Facebook Comments