Inihayag ngayon ng lokal na pamahalaan ng Maynila na nasa 60% na sila sa pagtatayo ng Manila COVID-19 Field Hospital.
Ayon kay Mayor Isko Moreno, nasa ika-apat na linggo na sila sa konstruksyon ng nasabing field hospital at aniya, positibo siya na masusunod nila ang itinakda nilang araw ng pagtatapos.
Matatandaan na unang sinabi ng alkalde na tatapusin nila ang pagtatayo ng field hospital aa loob ng 60 araw kung saan matatagpuan ito sa Burnham Green sa Rizal Park.
Ang nasabing ospital ay ilalaan para sa mga indibidwal na may mild at moderate na kaso ng COVID-19.
Dagdag pa ng alkalde, inaasahan niya na sa buwan ng Hulyo ay magiging operational na ang COVID-19 Field Hospital.
Iginiit pa ng alkalde na sa oras na magsimula na ang naturang field hospital, malaking tulong ito para lumuwag ang ibang ospital para sa mga non-COVID patients lalo na’t mayroon itong 336-bed capacity.