Pinangunahan ng Department of Transportation o DOTr ang pagpapasinaya sa Camp Aguinaldo segment ng Metro Manila Subway Project.
Personal na sinaksihan ito nila Transportation Sec. Jaime Bautista kasama si Defense Sec. Carlito Galvez Jr., ang groundbreaking ceremony sa Kampo Aguinaldo kahapon ng umaga.
Dito, binigyang diin ni Bautista na ang Metro Manila Subway Project ang siyang magiging katuparan ng pangarap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na gawing kumportable ang biyahe ng mga Pilipino.
Kasunod nito, nagpasalamat si Bautista sa Japanese government sa kanilang walang sawang pagsuporta sa mga proyekto ng pamahalaan gayundin sa Department of National Defense (DND) sa paglalaan ng espasyo para sa katuparan ng proyektong ito.
Ang Contract Package 103 o ang Camp Aguinaldo station ng Metro Manila Subway Project ay ang mag-uugnay sa mga istasyon ng Anonas at Camp Aguinaldo sa iba pang istasyon mula Valenzuela City patungong BGC at NAIA terminals.