Tiniyak ng Department of Public Works and Highways o DWPH na tuluy-tuloy ang konstruksyon ng mga evacuation center sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, sa pinakahuling update noong May 2019, aabot na sa walumpu’t dalawang evacuation centers ang naipatayo sa limampu’t dalawang probinsya. Nasa limampu’t limang evacuation centers naman ang “under construction.”
Paliwanag ni Villar na layon tinatawag na “Evacuation Center Development Program” ng pamahalaan na mabawasan ang paggamit sa mga paaralan bilang pansamantalang shelter, tuwing may kalamidad gaya ng mga bagyo.
Aminado ang kalihim na sa maraming taon ay ganoon ang naging sitwasyon, kaya naman naaapektuhan ang klase ng mga estudyante.
Dagdag pa ni Villar na puspusan ang pamahalaan sa pagpaparami ng evacuation centers na matitibay, gender sensitive at naaayon sa standards.
Giit ng kalihim na mayroon ding magkahiwalay na palikuran para sa babae at lalaki, breastfeeding room para sa mga inang may sanggol, kwarto para sa dasalan o prayer room at person with disability o PWD-friendly.