Konstruksyon ng mga tulay, kalsada at expressways target makumpleto bago matapos ang termino ng Marcos administration

Pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Malacañang para alamin ang update sa mga proyektong pang imprastraktura na nakatakdang ipatayo sa panahon ng kaniyang termino.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na kabilang sa mga proyektong nasimulang maipatupad sa unang anim na buwan ng administrasyong Marcos ay 1,500 kilometrong national roads at local roads sa buong bansa.

May itinatayo rin aniyang 161 mga tulay sa kahabaan ng national roads at local roads, 851 flood control projects sa mga lugar na bahain o binabaha na rin dahil sa climate change.


May dalawang flagship projects na popondohan naman ng Public Private Partnership (PPP) ang handa na para sa inagurasyon bago magsimula ang holy week at bago mag- State of the Nation Address o SONA si Pangulong Marcos sa Hunyo.

Kabilang dito ang segment ng NLEX-SLEX connector na mula Caloocan hanggang España, Maynila at kukonekta sa Skyway Stage 3 at ang segment ng Cavite-Laguna Expressway Project.

Nakalinya rin ang flood mitigation at road projects para sa inagurasyon kabilang na ang Cagayan de Oro City, 3 road sections at road network projects sa conflict affected areas sa Mindanao.

Mayroon din silang Central Luzon Link Project mula Tarlac hanggang Cabanatuan City sa Nueva Ecija gayundin sa road projects sa Samar Pacific Coastal Road.

Facebook Comments