Konstruksyon ng Mindanao Railway Project, aabutin ng 10 hanggang 15 taon bago matapos

Posibleng abutin ng 10 hanggang 15 taon bago makumpleto ang Mindanao Railway Project.

Ito ang sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan sa pagdinig ng House Committee on Mindanao Affairs.

Ang virtual panel discussion sa nasabing proyekto ay pinangunahan ni Lanao del Norte 1st District Representative Khalid Dimaporo, na siyang naghain ng House Resolution No. 727 o resolusyon na nag-aatas sa National Economic and Development Authority (NEDA) at DOTr na magsumite ng feasibility study para sa nasabing railway project.


Sa pagdinig, tinanong ni Iligan Representative Frederick Siao si Batan kung ano ang timetable ng DOTr sa pagtatayo ng Mindanao Railway Project.

Tugon ni Batan, kasalukuyan ay mayroong investment approval mula sa NEDA para sa Tagum, Davao-Digos segment o unang 100 kilometro ng proyekto.

Inaasikaso na rin nila ang Phase 2 sakop ang General Santos patungong Marbel, South Cotabato at sa mga susunod na phases ng rail project.

Ang Phase 1 hanggang 3 pa lamang aniya ang may malinaw na plano.

Pinatitiyak naman ni Dimaporo sa DOTr na ang proyekto ay hindi lamang ‘panaginip’ pero isang feasible project sa pipeline.

Ang Mindanao Railway Project ay 1,500 kilometer railway project na magkokonekta sa Davao patungong Surigao at tatawid sa mga lungsod at probinsya tulad ng General Santos, Marbel, Butuan, Cagayan de Oro, Iligan, Pagadian, Digos, Dipolog, Zamboanga at Surigao.

Tinatayang nasa 122,000 na pasahero ang maseserbisyuhan ng proyekto sa 2022 o sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments