KONSTRUKSYON NG ONE BONUAN TOURISM PAVILION SA DAGUPAN CITY, NAGPAPATULOY

Nagpapatuloy ang konstruksyon ng One Bonuan Tourism Pavilion na matatagpuan sa Tondaligan Beach, Bonuan Gueset, Dagupan City.

Ayon sa ulat, natapos na ang Phase 1 ng proyekto kung saan makikita na ang pangunahing estruktura at disenyo ng pavilion. Sa kasalukuyan, isinasagawa na ang Phase 2 at Phase 3 ng konstruksyon.

Ibinahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan na tinatayang aabot sa ₱100 milyon ang kabuuang halaga ng proyekto.

Batay sa plano, itatayo sa harap ng pavilion ang isang surfing area, habang kasabay ding ginagawa ang skateboard park bilang bahagi ng mga pasilidad na ilalaan para sa leisure at sports activities.

Kabilang din sa mas malawak na plano para sa Tondaligan Beach ang pagpapalawak ng mga aktibidad panglibangan at pampalakasan, pagbibigay-diin sa makasaysayang paglapag ni Gen. Douglas MacArthur sa lugar, pagsasara ng mahigit animnapung taong gulang na dumpsite, at ang pagtatayo ng tourism pavilion.

Isinagawa ang groundbreaking ceremony ng One Bonuan Tourism Pavilion noong Enero 27 ng nakaraang taon sa pangunguna ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan at Department of Public Works and Highways Pangasinan District. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments