
Ipinahinto ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) ang pagtatayo ng isang high-rise resort sa Bantayan Island dahil sa paglabag sa Environmental Compliance Certificate (ECC) nito, partikular ang paglampas nito sa itinakdang height restrictions.
Nakalagay kasi sa inaprubahang ECC na tatlong palapag lang ang aabutin ng taas ng resort. Pero lumampas na ito sa 11 levels.
Ang gusali ay itinatayo sa white-sand na baybayin ng Santa Fe, na isang protected wilderness area.
Sa ilalim ng DENR Administrative Order (DAO) 2009-09, ang mga istruktura sa mga protected areas ay di dapat sosobra ng 10 meters at matatakpan ang natural landscape.
Nauna nang pinagmulta ng EMB ang Fifth Avenue Property Development Corp ng P270 thousand habang tatlong ulit na nag isyu ang DENR Region 7, sa pamamagitan ng CENRO Cebu City ng Notices of Violation (NOV) noong July 31, September 17 at December 18, 2024.
Pero, hindi umano tumugon ang construction company kaya ipinahinto na ang lahat ng construction activities ng naturang proyekto.









