Manila, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Knights of Rizal na humihiling na gibain ang tinaguriang photobomber sa monumento ni Gat Jose Rizal Ang Torre De Manila.
Sa botong 9-6 nagbigay na ng go signal ang SC para muling simulan ang natigil na paggawa sa nasabing gusali.
Kabilang sa mga pumabor na tanggalin ang umiiral na TRO ay sina SC CJ Ma. Lourdes Sereno, Associate Justice Antonio Carpio, Justices Presbitero Velasco, Lucas Bersamin, Mariano Del Castillo, Bienvinido Reyes, Estela Perlas Bernabe, Marvic Leonen at Noel Tijam.
Habang nag-dissent naman sina Justices Teresita De Castro, Diosdado Peralta, Jose Mendoza, Francis Jardeleza, Benjamin Caguioa, at Samuel Martires.
Ginawang basehan dito ng majority ng mga mahistrado ng SC ay ang kawalan nila ng hurisdiksyon sa naturang usapin at ang kawalan ng batas na nagbabawal sa pagtatayo ng Torre De Manila.
Matatandaang 2015 nang itigil ang konstruksyon ng Torre De Manila makaraang magpalabas ang SC ng TRO.
Pero dahil sa naging desisyon ng Korte Suprema, ibig sabihin tuloy tuloy na ang paggawa sa Torre De Manila na sinasabing nakakasira ng siteline ng Rizal Monument sa Luneta Park na mahalagang landmark sa ating bansa.
DZXL558