Manila, Philippines – Nilinaw ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sa susunod na taon pa masisimulan ang konstruksyon ng mga bagong pasilidad sa Pagasa Island sa West Philippine Sea.
Ang klaripikasyon ay ginawa ni Lorenzana makaraang ihayag nito na sinimulan na ng pamahalaan ang planong pag-develop sa isla na inookupahan ng Pilipinas sa pinag-aagawang isla.
Aniya, hindi pa nasimulan ang pagtatayo ng mga planong istraktura sa Pagasa Island dahil sa sama ng panahon.
Posibleng sa Enero pa ng 2018 magsisimula ang konstruksyon sa isla kung kakalma na ang tubig dagat doon.
Uunahin anya nilang itayo ang beaching ramp na siyang pagdadaungan ng mga barkong magdadala ng mga materyales sa Pagasa Island.
Samantala, hindi rin aniya itinuloy ng militar ang balak na pagtatayo ng kubo sa isang sandbar malapit sa pagasa island para maging pahingahan sana ng mga mangingisda sa lugar.
Ayon sa kalihim, ito’y dahil may kasunduan ang Pilipinas at China na hindi magtatayo ng mga straktura sa mga bagong isla o sandbar sa West Philippine sea.