Natapos na ang konsultasyon para wage hike increase o umento sa sahod ng mga manggagawa sa CALABARZON.
Nabatid na nagdaos ng limang araw na wage hike public consultations sa limang probinsiya ng CALABARZON at tatlong public hearings na ginanap sa probinsiya ng Batangas, Cavite at Laguna, para sa dagdag na sahod sa kasalukuyang minimum wage.
Sa naturang public hearing na natapos noong August 11, ipinangako ng Wage Board-Region 4A, na maghihintay ng 30 days para sa ilalabas na bagong Wage Order.
Kaugnay nito umaasa ang Workers Initiative for Wage Increase (WIN FOR WIN Alliance) na sa September 11, 2023 ay may ilalabas ng bagong Wage Order ang Regional Wage Board.
Matatandaang nagsumite ng petisyon ang Metal Workers Alliance of the Philippines (MWAP) para sa ₱750 minimum wage na sinuportahan ng WIN FOR WIN Alliance sa pamamagitan ng pagsumite ng Manifestation of Support.
Ayon din kay Laguna Vice Governor Karen Agapay, nagpasa ng mga resolusyon ang limang Sangguniang Panlalawigan sa mga probinsiya ng CALABARZON para itulak ang Wage Board na dinggin ang petisyon.
Sa wage hike public consultations at hearings, matagumpay na nabigyan ng tamang katuwiran ng mga petisyoner ang kahalagahan at pangangailangan para gawing ₱750 ang minimum na pasahod sa naturang rehiyon.