Kontraktwal sa gobyerno, pinapa-extend ang serbisyo hanggang katapusan ng taon

Umapela si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa pamahalaan na palawigin pa ang serbisyo ng mga kontraktwal sa gobyerno hanggang sa matapos ang taon.

Sa kasalukuyang sitwasyon ngayon ng bansa dahil sa COVID-19, pinangangambahan na ang mga kontrata ng mga nasa job-order o contract-of-service ay hindi mare-renew o ma-e-extend.

Nagpadala ng liham si Rodriguez kay Pangulong Duterte para idulog at ihingi ng tulong ang nasa 700,000 na kontraktwal na mga empleyado ng pamahalaan.


Hiniling ng kongresista sa Pangulo na i-extend ang serbisyo ng mga kontraktwal sa pamahalaan hanggang sa December 31, 2020 nang sa gayon ay mapanatag din ang loob ng mga ito sa gitna ng krisis.

Tinukoy ni Rodriguez na hindi sakop ang mga ito ng Civil Service Law kaya walang benepisyo na nakukuha ang mga kontraktwal hindi tulad sa mga regular personnel.

Bukod dito, hanggang anim na buwan lamang din ang itinatagal ng kanilang serbisyo at sasailalim pa ito sa renewal.

Giit pa ng mambabatas, magagawa namang tulungan na ma-extend ang serbisyo ng mga hindi regular sa gobyerno dahil may mga pondo ang bawat ahensya para sa mga ito at maaari namang hilingin sa Malakanyang na aprubahan ang paggamit ng savings ngayong may Enhanced Community Quarantine (ECQ) para sa mga government contractual workers.

Facebook Comments