Manila, Philippines – Nais ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na ipaliwanag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hindi niya pagpirma sa Executive Order noong Lunes na magwawakas sana sa mga endo, 555, seasonal at contractual.
Ayon kay Alan Tanjusay, spokesperson ng ALU-TUCP, ang pagkakaurong sa May 1 ng ceremonial signing ay nagpapakita na malakas ang bulong ng mga ahente ng pro-businesses at maka kapitalistang grupo kay Pangulong Duterte.
Ang mga grupo aniyang ito ay takot na magalaw ang umiiral na employment arrangement sa bansa kung saan ang yumayaman lamang ay ang malalaking negosyante at labor contractors.
Sa version ng mga labor groups, kinikilala nila na hindi talaga kakayanin ang absolute ban kung kaya at gumawa sila ng panibagong draft na magpapahintulot ng contractual na trabaho.
Buo ang pasiya ng ALU-TUCP na hindi daluhan ang gagawing pagpirma kung ang bersyon ng mga employers ang masusunod.