Kontrata kaugnay sa pagbili ng Udenna ng shares sa Malampaya, pwedeng ipawalang bisa

Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy ay sinabi ng Department of Energy (DOE) na nitong October 28, 2020 lang sila naabisuhan kaugnay sa pagbili ng kompanyang Udenna ng 45% na shares ng Chevron Corporation sa Malampaya Gas Project na nagkakahalaga ng 565 million dollars na nangyari noong March 11, 2020.

Kaya naman sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian, na siyang Chairman ng Komite, posibleng may paglabag sa sale and purchase agreement dahil hindi muna pina-aprubahan sa DOE ang pagbili ng Udenna sa shares ng Chevron.

Pero paliwanag ni DOE Assistant Secretary Leonido Pulido, wala silang nakikitang violation at wala ring isyu sa actual operation ng Malampaya dahil ang kompanyang Shell ang nagpapatakbo sa gas project.


Inusisa naman ni Senator Imee Marcos kung maituturing na incomplete ang bilihan dahil walang abiso sa DOE.

Sagot ni Pulido, hindi ito incomplete pero voidable o maaaring ipawalang bisa ang kontrata kung hindi papasa sa kanilang evaluation ang Udenna.

Ayon kay Pulido, nasa proseso pa ng evaluation nila ang technical, financial at legal capacity ng Udenna.

Idinagdag naman ni DOE Undersecretary Donato Marcos na sinusuri pa rin nila ang sale documents ng Chevron sa Udenna.

Itinanong naman ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, kung pwede bang ang Philippine National Oil Company o PNOC ng gobyerno ang magmamay-ari sa 45% shares sakaling bumagsak sa evaluation ng DOE ang Udenna.

Agad namang inamin ni PNOC-Exploration Corporation President and CEO Rozzano Briguez na hindi pa nila kayang i-take over ang ganito kalaking gas field project.

Facebook Comments