Kontrata ng COMELEC sa kompanyang konektado umano kay Dennis Uy, dapat busisiing mabuti

Iginiit ni Senator Risa Hontiveros ang mahigpit na pagbusisi sa kontrata ng Commission on Elections (COMELEC) sa F2 Logistics Philippines Inc., na konektado umano sa negosyanteng si Dennis Uy.

Nagkakahalaga ng P535 million ang kontrata para sa F2 Logistics na magdistribute ng mga balota, vote counting machines at ilan pang election materials para sa halalan sa susunod na taon.

Tinukoy ni Hontiveros na si Uy ay major campaign contributor ni Pangulong Rodrigo Duterte at lumago ang business empire nito sa ilalim ng administrasyon.


Sa katunayan, ayon kay Hontiveros ay nakorner din ng mga kompanya ni Uy ang ikatlong telco franchise at ang Malampaya.

Bunsod nito ay pinapatiyak ni Hontiveros sa COMELEC na hindi maiimpluwensyahan ang resulta ng 2022 elections pabor sa administrasyon.

Nais din ni Hontiveros na masigurong protektado ang electoral process mula sa posibleng impluwensiya ng dayuhan dahil sa koneksyon umano ni Uy sa China.

Diin ni Hontiveros, kailangang maging mapagbantay ang lahat upang matiyak na walang hindi karapat-dapat na pangyayaring may kaugnayan sa eleksyon.

Facebook Comments