Kontrata ng contact tracers ng gobyerno, agad na pinare-renew ngayong taon

Hiniling ni Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na agad i-renew ang kontrata sa serbisyo ng contact tracers ng gobyerno.

Nito lamang December 31, 2020 ay napaso na ang contract of service ng contact tracers na na-hire ng ahensya noong nakaraang taon.

Iginiit ni Salceda na mahalagang maibalik ngayon ang mga contact tracers lalo pa’t nakapasok na sa bansa ang bago at mas infectious na strain ng COVID-19.


Sinabi pa ng kongresista na ang buwan ng Enero ay maituturing na pagkakataon para maiwasan ang pagkalat ng bagong wave ng COVID-19 infection kaya marapat lamang na maibalik agad sa serbisyo ang contact tracers upang matukoy at mapigil ang paglaganap ng sakit.

Dagdag pa ni Salceda, hindi na kakayanin ng ekonomiya ng bansa ang panibagong lockdown at hindi dapat malagay sa higit na panganib ang buhay ng mga health care workers lalo pa’t wala pa ang bakuna sa bansa.

Sakali namang may problema sa renewal ng serbisyo ng contact tracers tulad ng sweldo ay hinikayat ni Salceda na ipagbigay alam ito agad sa Kongreso para maaksyunan.

Facebook Comments