Pormal nang iginawad ng Commission on Elections (COMELEC) ang P19.7 billion na kontrata sa South Korean firm na Miru Systems Inc. bilang technology provider ng automated election sa 2025.
Sa ilalim ng kontrata, partikular na magiging mandato ng Miru ang pagsu-suplay ng hardware, software, at election management system sa eleksyon, kabilang ang pagbibilang ng boto at printing ng balota.
Dumalo sa contract signing ang mismong presidente ng Miru Systems na si Jinbok Chung at COMELEC Chairman George Garcia.
Ayon kay Garcia, prayoridad nila ang transparency sa resulta ng halalan na inaasahang makakamit sa pamamagitan ng pangakong teknolohiya ng kompanya.
Sa panig naman ng Miru, handa silang makipagdayalogo at patuloy na makipag-ugnayan sa COMELEC para maidaos na matagumpay ang botohan sa 2025 midterm elections.