Iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa gobyerno na kanselahin ang kontrata sa China Communications Construction Company, Ltd. o CCCC para sa pagtatayo ng Sangley Point International Airport sa Cavite na ang 1st phase ay may halagang 10-billion dollars.
Diin ni Drilon, kwestyunable ang reputasyon ng CCCC dahil may history ito ng anomalya at korapsyon na hindi dapat ipagsawalang-bahala.
Tinukoy ni Drilon na ang nabanggit na Chinese firm ay blacklisted din ng US Department of Commerce dahil sangkot ito sa paglalagay ng artificial islands sa West Philippines Sea.
Sabi pa ni Drilon, blacklisted din ito ng World Bank dahil sa pagsasagawa ng mga anomalya.
Binanggit ni Drilon na napabalita ring nagbigay ng suhol ang CCCC sa dating Prime Minister ng Malaysia at noon ay Presidente pa ng kompanya ang isang executive na sinasabing nagpakamatay dahil sa mga isyu ng katiwalian.
Para kay Drilon, mako-kwestyon ang kampanya laban sa katiwalian ng pamahalaan kapag itinuloy nito ang kontrata sa isang Chinese company na may masamang track record.
Ipinunto pa ni Drilon na marami pang ibang kompanyang may magagaling na track records sa airport construction na maaaring kuhanin ng gobyerno.