Kontrata sa DDB Philippines, sinuspinde ng DOT

Sinuspinde na ng Department of Tourism o DOT ang isa pang kontrata nito sa ad agency na DDB Philippines na nagkakahalaga ng 124-million pesos.

Sa budget hearing ng House Committee on Appropriations ay sinabi ni Tourism Sec. Christina Frasco na ang kanilang hakbang ay bilang pagtiyak na mapoproteksyunan ang intres ng DOT at buong bansa.

Sabi ni Frasco, August 31 pa sana magtatapos ang naturang kontrata sa DDB Philippines para sa counselling services para sa promosyon ng Philippine islands, award-winning destinations, at tourism products.


Bukod pa ito sa kontrata kaugnay sa tourism video na “Love the Philippines” rebranding campaign na umani ng batikos dahil sa paggamit ng stock footages ng tourist destinations ng ibang bansa.

Binanggit naman ni DOT Undersecretary for Legal and Special Concerns Ma. Elaine Bathan na kanilang pinag-aaralan kung ano ang maaring legal na aksyon laban sa DDB hinggil sa kontrobersyal na “Love the Philippines” campaign.

Dagdag pa ni Bathan, ang isa o dalawang empleyado ng DOT na may kaugnayan sa umano’y plagiarized “Love the Philippines” campaign materials ay nagbitiw na.

Facebook Comments