Kontrata sa maintenance provider ng MRT, ipinakakansela

Manila, Philippines – Pinakakansela ng isang mambabatas ang kontrata sa maintenance provider ng MRT na Busan Universal Rail Incorporated o BURI dahil sa palpak na operasyon ngayon ng MRT3.

Ito ay matapos gawing labinlima ang mga operational na tren mula sa dalawampu at ibaba sa 20 kilometers per hour ang takbo nito mula sa 40 kilometers per hour.

Ayon kay PBA PL Rep. Jericho Nograles, magsusumite siya ng liham sa tanggapan ni Transportation Secretary Arthur Tugade para igiit ang pagkansela sa kontrata nito sa BURI at pagsasagawa ng public bidding para sa bagong maintenance contract.


Nakapaloob sa liham ang umano’y mga iregularidad sa joint venture na nagkakahalaga ng 3-point 8 billion pesos kabilang na ang overpriced na gastos sa janitorial services, kuwestyonableng lump-sum monthly payment at di matukoy na warehouse costs.

Giit pa ni Nograles, mas mabilis pa ang takbo ng karo ng patay at mas ligtas pang sakyan dahil sa bagal ng MRT ngayon na nagdudulot pa ng mahabang pila sa mga istasyon.

Paliwanag naman ng Department of Transportation, kailangang inspeksyunin ang mga bagon dahil sa natuklasang bali sa axle ng bogey system o bahagi sa may gulong ng tren kasunod ng narinig na kakaibang tunog.

Isinisi rin ng kongresista sa nakaraang administrasyon ang nararanasan ng commuters sa MRT dahil sa panay kuha ng mga palpak na maintenance provider.

Facebook Comments