Inilabas ngayon ni Senator Risa Hontiveros ang kopya ng 11 kontrata ng Department of Budget and Management o DBM sa pagbili ng umano’y overpriced na Personal Protective Equipment o PPE nitong Abril at Mayo.
Ang hakbang ni Hontiveros ay tugon sa hamon ng DBM at ni Congressman Mike Defensor na maglabas siya ng ebidensya sa isiniwalat niyang nawalan ng ₱1 bilyon ang gobyerno dahil sa pagbili ng ovepriced PPE.
Sa mga dokumentong inilabas ni Hontiveros ay makikitang may kontrata rin ang DBM sa apat na lokal na kompanya kung saan mas mura ang PPE.
Pero tanong ni Hontiveros, bakit mas maraming isinelyong kontrata ang DBM sa mga Chinese companies kung saan mas mahal ang PPE.
Giit ni Hontiveros, huwag idahilan ng DBM na walang kakayanan noong umpisa ng pandemya ang lokal na mga kompanya dahil Pebrero pa lang ay may lokal na kompanya na ang naghayag ng kakayahan na gumawa ng PPE.
Tiniyak ni Hontiveros na muli niya itong bubusisiin sa budget deliberations ng Senado.
Giit pa ni Hontiveros, dapat na ring maumpisahan ang audit ng COVID-19 funds hindi lang para sa kaduda-dudang mga PPE kundi pati na rin sa lahat na ginastos ng gobyerno.