
Kinumpirma rin ni Senate President pro-tempore Panfilo Lacson na nagpunta ng Senado ang kontratista ng flood control project sa Bulacan na kausap ng itinurong tauhan ni Senator Jinggoy Estrada para sa kickback sa proyekto.
Pinangalanan ni dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez si Mina ng WJ Construction na kausap ni Beng Ramos na kumukolekta ng komisyon para kay Estrada.
Sa pulong balitaan sa Senado, sinabi ni Lacson na August 19 nang magtungo sa Senado ang naturang kontratista na nakunan pa sa CCTV.
May impormasyon na rin si Lacson kung saang opisina ng Senado pumunta itong si Mina pero ito ay ipabubusisi pa niya ng husto upang madetermina kung senador o staff ang pinuntahan ng contractor.
Sa susunod na pagdinig ng Senado ay ipapatawag ng Blue Ribbon Committee si Mina para malaman kung ano ang naging pakay nito sa pagpunta noong Agosto sa mataas na kapulungan.
Matatandaang mariing itinanggi ni Estrada ang pagkuha ng kickback mula sa flood control gayundin ang pagkakaroon ng tauhan na ang pangalan ay Beng Ramos.









