
Kinilala ni Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Theresa Lazaro ang kontribusyon ng apat na milyong Filipino-American community sa ekonomiya ng Amerika.
Kasabay ito ng pagbati ni Sec. Lazaro sa 249th Anibersaryo ng U.S. Independence.
Pinasalamatan din ng kalihim ang aktibong partisipasyon ng Amerika sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) bilang Comprehensive Strategic Partner.
Ayon kay Lazaro sa pag-upo ng Pilipinas sa chairmanship ng ASEAN sa susunod na taon, asahan na aniya ang mas malalim na ugnayan ng ASEAN sa U.S. sa usapin ng maritime cooperation, transnational crime, counter-terrorism, digital economy, Micro, Small, and Medium Enterprises (MSME) development, at youth and people-to-people exchanges.
Kinikilala rin aniya ng Pilipinas ang matibay na alyansa nito sa Amerika.
Tinukoy din ni Lazaro ang Balikatan exercise ng tropa ng Pilipinas at Estados Unidos na umaani ng partisipasyon mula sa partner nations at observers.









