Inanunsyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na mangongolekta na sila ng mataas na kontribusyon para sa mga miyembro nito sa susunod na taon.
Ang hakbang na ito ng PhilHealth ay bahagi ng pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law.
Ayon sa PhilHealth, ipapatupad nila ang naka-schedule na contribution rate at income adjustment ceiling sa susunod na taon para matiyak na ang pondo para sa health care benefits sa 110 milyong miyembro nito ay mananatiling sapat.
Ang mga miyembrong kumikita ng mababa sa P10,000 ay magbabayad na ng PhilHealth contribution na nasa P350 kada buwan.
Ang mga nasa ₱10,000.01 hanggang ₱69,999.99 ay magbabayad ng monthly premium sa pagitan ng ₱350 hanggang ₱2,449.99.
Ang kontribusyon sa mga kumikita ng ₱70,000 o mataas pa ay magbabayad ng ₱2,450.
Sinabi ng PhilHealth na ang kontribusyon naman ng miyembrong manggagawa ay hahatiin sa pagitan nila at ng kanilang empleyado.
Ang mga self-paying members, professional practicioners, at land-based migrant workers at iba pang direct contributors na walang employee-employer relationship ay kino-compute base sa kanilang buwanang kita.
Binigyang diin ng PhilHealth ang kahalagahan ng social health insurance contributions ng bawat miyembro dahil pinopondohan nito ang iba’t ibang reporma sa ilalim ng UHC.