Ipinahayag ni Vice President Leni Robredo na panahon na para ireporma ang justice system ng bansa sa harap ng mainit na debate sa pagpapalaya kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance law.
Ginawa ni VP Leni ang pahayag kasunod naman ng pagbabago ng tono at paggamit ng mga opisyal na alyado sa administrasyong Duterte sa isyu ng pagpapanumbalik ng parusang bitay para bigyang katwiran ang pagpapalaya kay Sanchez.
Ani Robredo, mas lilikha ng maraming problema kapag naibalik ang death penalty dahil magkaiba ang trato sa mayaman at mahirap sa ilalim ng kasalukuyang justice system.
Dagdag ni Robredo, kailangan ng kumpletong overhaul sa sistema ng hustisya para mabago ang mahaba, magastos na pagresolba ng mga kaso.
Gayundin, hindi na mahahaluan ng pulitika ang pagtatalaga ng mga hukom.
Dapat aniya na mas mapalakas ang kasiguraduhan na may access ang mahihirap at mahihina sa kalidad na legal services.