Kontrobersya tungkol sa “ninja cops”, hindi makakaapekto sa war on drugs – PNP

Manila, Philippines – Kumpyansa pa rin ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi  makakaapekto sa kampanya ng pamahalaan sa war on illegal drugs ang kinakaharap na kontrobersya tungkol sa “ninja cops” o mga pulis na sangkot sa pagre-recycle ng iligal na droga.

Ayon kay PNP Chief General Oscar Albayalde, naka-focus ang kanilang hanay sa giyera kontra iligal na droga dahil ito ang kanilang trabaho na inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paliwanag ni Albayalde, mananatiling “relentless” ang kampanya ng PNP, kasabay ng pagtitiyak na walang personalan sa nangyaring sagutan nila ni dating CIDG Chief Benjamin Magalong.


Matatandaan na sa pagdinig kahapon, muling nakaladkalad ang pangalan ni Albayalde matapos maungkat ang operasyon na kinasangkutan ng kanyang mga tauhan sa Pampanga noong 2013.

Batay sa impormasyon ni Magalong, umaabot sa 200 kilo ang nakuha sa pagsalakay sa bahay ng drug lord na si Johnson Lee  pero 30 kilos lamang ng shabu ang kanilang idineklara.

Nagbayad din umano ng P50 million si Lee kaya ito nakalaya sa custody ng mga pulis.

Dahil sa nasabing imbestigasyon ay sinibak si Albayalde bilang pinuno ng Pampanga Police Office.

Facebook Comments