Kontrobersyal na opisyal ng BFP, opisyal nang nagbitiw sa pwesto dahil sa kinahaharap na kasong kriminal at administratibo

Opisyal nang nagbitiw sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang kontrobersyal na opisyal na nasasangkot sa samu’t saring kasong kriminal maging administratibo.

Sa impormasyon mula sa BFP, pormal nang nagsumite ng kaniyang irrevocable resignation si Senior Fire Officer (SFO) 2 Reyca Janisa Palpallatoc kay BFP Officer in Charge Chief Supt. Jesus Fernandez noong December 3, 2024.

Inaprubahan naman ni Fernandez ang pagbibitiw ni Palpallatoc noong December 27, 2024.


Kabilang sa tinukoy na dahilan ng opisyal sa kaniyang pagbibitiw ay ang mga pangyayari sa kaniyang buhay.

Matatandaan na naglabas ng Warrant of Arrest ang Pasay City Regional Trial Court (RTC) laban kay Palpallatoc para sa large-scale illegal recruitment.

Ito ay kaugnay sa panghihingi umano ng pera ni Palpallatoc kapalit ng pangako na makapapasok sa BFP.

Isang reklamo rin sa Professional Regulation Commission (PRC) ang inihain laban kay Palpallatoc para tanggalan ng lisensya sa pagiging nurse.

Ito ay matapos na ireklamo ni Ginang Faiza Mutlah Utuali sa PRC noong December 23, 2024 si Palpallatoc dahil sa pakikipagrelasyon sa kaniyang mister na isang dating opisyal ng Philippine Marines.

Maliban dito, mayroon pang mga kinahaharap na Warrant of Arrest si Palpallatoc sa Taguig City RTC.

Facebook Comments