Ipinaliwanag ng Philippine National Police (PNP) na ang kinolektang ₱50 para sa rice subsidy ng mga pulis noong buwan ng Mayo at Hunyo ay para mabawi ang sobrang naibigay na rice subsidy noong Enero at Pebrero.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo ang aprubadong rice subsidy ng mga pulis sa pambansang budget para sa Fiscal Year 2024 ay nasa ₱1.69-B o katumbas ito ng 20 kilo ng bigas na nagkakahalaga ng ₱650 kada buwan para sa bawat pulis.
Sinabi ni Fajardo na mas mababa ito sa ₱700 kada buwan na inilaan para sa buwanang rice subsidy sa mga nakalipas na taon.
Paliwanag ni Fajardo na dahil sa sobra ng ₱50 ang ₱700 rice subsidy na naibigay noong Enero at Pebrero sa aprubadong ₱650, kailangang kolektahin ng PNP ang kalabisan sa mga nakatanggap upang ayusin ang rice subsidy.