Kontrobersyal na taxi driver na hinoldap umano ni Carl Angelo Arnaiz, lumantad na

Manila, Philippines – Lumutang na ang taxi driver na si Tomas Bagcal na hinoldap umano ni Carl Angelo Arnaiz.

Sa pagharap sa media ni Bagcal kahapon iginiit nitong hinoldap talaga siya ni Arnaiz noong madaling araw ng August 18.

Namukhaan niya aniya si Arnaiz nang matanggal ang takip nito sa ulo habang ginugulpi ng taumbayan.


Pero hindi naman makumpirma ni Bagcal kung nanlaban si Arnaiz sa mga pulis, dahil bigla na lang siyang nakarinig ng mga putok ng baril.

Kuwento pa ni Bagcal, isinakay niya si Arnaiz mula sa isang highway sa Navotas at nang makarating sila sa bahagi ng C3 road ay bigla na lang siyang hinoldap nito.

Nagawa pa aniyang kalabitin ni Arnaiz ang kanyang baril pero hindi naman ito pumutok.

Nakuha ni Arnaiz ang wallet ni Bagcal pero nakipag-agawan si Bagcal hanggang sa paluin siya ni Arnaiz sa kamay kung saan naman niya nakuha ang sugat sa bahagi ng kanyang pulso.

Facebook Comments