Manila, Philippines – Naniniwala ang Palasyo ng Malacañang na hindi na kailangan pang gumawa ng bagong batas para labanan ang pagkalat ng fake news.
Ayon kay Communications Assistant Secretary Ana Marie Banaag, sapat na ang Libel at Cybercrime Act para labanan ang fake news at kailangang lamang itong ipatupad ng mahigpit.
Sinabi din ni Banaag na kailangan lang magkaroon ng malinaw na depinisyon kung ano ang fake news para alam ng lahat kung ano ang pinag-uusapan at kung paano magtutulungan ang Ehekutibo at ang Lehislatura.
Binigyang diin ni Banaag na sa panig ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay isinusulong nila ang kooperasyon sa lahat ng mga nasa gobyerno pati na ang pribadong sector para mas maging epektibo ang paglaban sa pagkalat ng maling impormasyon o fake news at maisulong ang responsableng pamamahagi ng mahahalagang impormasyon sa taumbayan lalo na sa kabataan.