Wednesday, January 28, 2026

Kooperasyon ng ASEAN at Russian Federation sa turismo, patuloy na pinagtitibay sa pulong sa Cebu—DOT

Patuloy na pinagtitibay ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at ng Russian Federation ang kanilang kooperasyon sa sektor ng turismo.

Ito ay kasunod ng 16th ASEAN–Russian Federation Tourism Consultation na isinagawa sa Cebu, bilang bahagi ng ASEAN Tourism Forum 2026.

Ayon kay Department of Tourism (DOT) Undersecretary Verna Esmeralda Buensuceso, layunin ng Russia na palakasin ang people-to-people exchange na nakabatay sa magkakatulad na adhikain ng mga bansa na mapanatili at mapaunlad ang turismo sa kabila ng mga hamong kinahaharap sa kasalukuyan.

Patuloy rin umano ang pagdami ng mga turistang Ruso na bumibisita sa mga bansa sa Southeast Asia.

Sa katunayan, noong 2025 ay nalagpasan ang bilang ng mga turistang mula sa Russia na bumisita sa ASEAN noong 2024, na umabot sa mahigit dalawang milyon.

Nagpasalamat naman si Igor Maksinov, Deputy Director ng Ministry of Economic Development of the Russian Federation, sa ASEAN sa pagpapanatili ng mainit at matibay na ugnayan ng dalawang panig.

Facebook Comments