Positibo para kina Minority Leader Franklin Drilon at Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang pangakong kooperasyon ng Chinese government sa pagpapatupad ng ating mga batas laban sa illegal foreign workers.
Diin ni Drilon, lahat ng mga dayuhang mangagawa, maging Chinese nationals man o galing sa iba pang bansa ay dapat sumunod sa lahat ng batas at patakaran na ating ipinapatupad.
Sinuportahan din ni Drilon ang hakbang ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na bumuo ng inter-agency body na tutukoy sa totoong bilang ng mga mangagawang dayuhan sa bansa lalo na yaong nasa Philippine offshore gaming operations o POGO.
Paliwanag naman ni Senator Villanueva, makabubuting matibag na ang mga illegal Chinese gambling operations sa bansa.
Sabi pa ni Villanueva, mas bukas sa pag-abuso ang mga illegal foreign workers dahil sa kanilang estado.
Kaugnay ay iginiit ni Villanueva sa Department of Labor and Employment, sa Bureau of Immigration at sa mga otoridad na bilisan at tiyaking epektibo ang kanilang mga aksyon laban sa nabanggit na problema.