Kooperasyon ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, hiniling ng isang senador para matulungan ang mga Locally Stranded Individuals

Kinalampag ni Senator Christopher Bong Go ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magtulungan para asistehan ang mga Locally Stranded Individuals o LSIs.

Sinabi ni Go na dapat ay tulungan ang mga LSI na makahanap ng paraan para makauwi sa kanilang mga pamilya sa lalawigan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Apela ito ni Go sa gobyerno makaraang magpadala siya ng tulong sa mga LSI na nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan nakausap nya ang ilan sa mga ito na nagsabing sila ay hirap na hirap na sa sitwasyon.


Ayon kay Go, dapat maglatag ng maayos na sistema para tugunan ang pangangailangan ng LSIs tulad ng pagkain, at maayos na masisilungan.

Iginiit din ni Go na hindi dapat hayaan na nagkukumpol-kumpol ang LSIs para maiwasan na mahawa sila sa COVID-19 at iba pang sakit.

Kasabay nito, hiniling ni Go sa mga concerned agencies na ipaliwanag ang iba’t ibang programa ng gobyerno na puwedeng makatulong sa mga gusto nang umuwi sa probinsiya.

Facebook Comments