Muling nananawagan ngayon si PSupt Lito Andaya, hepe ng Dipolog PNP sa publiko na agad i-report sa kanilang tanggapan kung may mga taong kaduda-duda o bago sa kanilang mga lugar.
Ang nasabing panawagan ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng mga otoridad para hindi makapasok ang mga teroristang grupo o masasamang elemento sa syudad kaugnay parin sa nagpapatuloyng operasyon ng militar at pulisya laban sa Maute group sa Marawi City.
Kahapon, nanguna mismo si Andaya sa pag-responde sa isang report na mayroong aabot sampung armadong tao ang namataan sa Barangay Minaog ng syudad at agad nagpatupad ng check point ang pulisya kasama ang Philippine Army kung saan negatibo naman ang resulta.
Una nang iginiit ng isang opisyal sa nasabing barangay na may namataan silang armadong grupo na dumaan sa kanilang lugar pero hindi agad ito na-ireport sa pulisya.
Kaugnay nito, hinikayat ngayon ni Andaya ang mga residente ng syudad na agad i-report sa kanilang tanggapan kung may mamataang kaduda-dudang tao o grupo sa kanilang lugar.
Ayon sa hepe ng Dipolog PNP, nakaalerto ngayon ang kanilang hanay at di dapat sila mag-kompiyansa para hindi malusutan ng mga masasamang tao at kailangan din nila ang kooperasyon ng publiko.
Kooperasyon ng publiko hiling ng hepe ng Dipolog PNP para hindi malusutan ng mga masasamang elemento
Facebook Comments