Kailangang pagbutihin ng mga awtoridad ang mga polisiyang ginagamit sa operasyon laban sa ilegal na droga, lalo na ang koordinasyon, upang hindi na maulit ang madugong misencounter sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito ang iginiit nina Senators Panfilo ‘Ping’ Lacson at Ronald Bato dela Rosa na parehong naging hepe ng Philippine National Police.
Pangunahing tinukoy ni Lacson na dapat isagawa sa usapin ng ilegal na droga ay ang pagkakaroon ng PDEA ng magsisilbing “overseer” sa operasyon na nakatutok lamang sa intelihensiya habang ang pagsalakay o pagtimbog ay ipauubaya na sa mga sinanay na tauhan ng PNP.
Ayon kay Lacson, ito ay ginagamit na ng ibang bansang nagpapatupad ng seryosong kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa tingin din ni Dela Rosa ay nagkaroon ng kakulangan sa koordinasyon sa pagitan ng mga operating unit kaya naganap ang engkuwentro.
Ayon kay Dela Rosa sakaling matuloy na ang pagdinig ng Senado ay inaasahang maliliwanagan ang mga nangyari at humantong barilan ang operasyon kung saan may mga nasawi pa.
Sabi ni Dela Rosa sa pamamagitan nito ay matutukoy kung kailangang amyendahan ang mga umiiral na batas na may kaugnayan sa ating law enforcement authorities.