Manila, Philippines – Target ng Kamara at Senado na maipadala kay Pangulong Rodrigo Duterte ang napagkasunduang kopya ng panukalang ₱3.7 trillion 2019 national budget bago matapos ang buwang ito.
Kahapon (March 25), nagkita sina Senate President Tito Sotto III at House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo upang resolbahin ang gusot sa General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson, Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr. – nagkaroon ng makabuluhang at positibong pag-uusap sa pagitan ng dalawang kapulungan.
Kasama ni Andaya si San Juan Representative Ronaldo Zamora at Albay Representative Edcel Lagman habang sa panig ng Senado si Senate Finance Committee Chairperson, Senator Loren Legarda at Senator Gringo Honasan at Senator Panfilo Lacson.
Inaasahang itutuloy ng dalawang kapulungan ang kanilang meeting ngayong araw upang maisapinal ang usapin hinggil sa pambansang pondo.
Una nang nagbabala ang economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaki ang magiging epekto sa bansa kapag patuloy na gagamitin ang 2018 reenacted budget.