Kopya ng utos ng Manila RTC na imbestigahan si Orly Guteza, hindi pa natatanggap ng DOJ

Tatalima ang Department of Justice (DOJ) sa utos ng korte na imbestigahan ang umano’y pinekeng sinumpaang salaysay ni Orly Guteza na tumestigo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Prosecutor General Richard Fadullon, sa ngayon ay hindi pa nila natatanggap ang kopya ng kautusan na inilabas Manila Regional Trial Court.

Sa kabila nito, handa raw silang umaksyon sa oras na matanggap na ang desisyon.

Idineklara ng Manila RTC na peke ang pirma ng abogadong nag-notaryo sa sinumpaang salaysay ni Guteza.

Kasunod nito, sinabi ng Manila RTC Branch 18 na ipinauubaya na sa DOJ ang kaso para sa karagdagang imbestigasyon at posibleng pagsasampa ng reklamo laban kay Guteza.

Sabi ni DOJ Spokesperson Polo Martinez, kailangang may pormal na reklamo munang maisampa sa piskalya bago ito masimulang imbestigahan.

Kapag napatunayang may sapat na ebidensiya, saka lamang ito isasampa sa korte.

Ayon naman kay Fadullon, hindi sila ang maghahabol kay Guteza kung gusto talaga nitong mapasama sa witness protection program.

Si Guteza, na dating Marine sergeant ay nagsabing naghatid umano ng mga maletang may laman na pera na kickback mula sa flood control projects sa ilang mambabatas.

Facebook Comments