Korapsyon sa 2026 national budget, hindi mabubura ng pag-veto ni PBBM sa P92.5-B na unprogrammed appropriations

Iginiit ng Makabayan Bloc na magpapatuloy pa rin ang korapsyon sa 2026 national budget sa kabila ng pag-veto ni Pangulong Ferdinand bongbong Marcos Jr. sa ₱92.5 billion na halaga ng Unprogrammed Appropriations.

Diin nina Representatives Antonio Tinio, Renee Co at Sarah Elago, ang pinirmahang 2026 General Appropriations Act ni PBBM ay nagtataguyod sa pork barrel system, patronage politics at sistematikong korapsyon sa gobyerno.

Para kina Tinio, Co at Elago, pampalubag-loob lang ang pag-veto ni Pangulong Marcos sa bahagi ng unprogrammed funds upang mapagtakpan ang bilyun-bilyong pisong pork barrel funds sa 2026 budget.

Paliwanag ng Makabayan Bloc, ang hindi pag-veto ni President Marcos sa “allocables” sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay garantiya na magpapatuloy ang sistema ng korapsyon sa pamahalaan sangkot ang mga mambabatas, DPWH officials at private contractors sa pamamagitan ng kickback, overpricing at ghost projects.

Ayon sa Makabayan Bloc, paraan ito ni Pangulong Marcos para patuloy na mahawakan ang Kongreso sa pamamagitan ng pamamahagi ng bilyones na halaga ng pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Facebook Comments