
Mas maraming Pilipino ngayon ang nababahala sa patuloy na talamak na korapsyon sa gobyerno.
Ito ang lumabas sa pinakabagong Tugon ng Masa Survey ng OCTA Research para sa ikatlong quarter ng 2025.
Sa gitna na rin ito ng mga isyung may kinalaman sa mga maanomalyang proyekto ng pamahalaan, partikular sa mga flood control projects.
Ayon sa survey, 31% ng mga respondent ang nagsabing nababahala sila sa korapsyon, mula sa 13% lamang noong Hulyo.
Tinanong sa 1,200 respondents edad 18 pataas kung ano ang tatlong pangunahing isyung dapat tugunan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa OCTA, ito ang pinakamataas na antas ng pagkabahala sa korapsyon na naitala, at unang pagkakataon na pumasok ito sa Top 5 national issues ng survey.
Sa kabuuan, nanatiling pangunahing alalahanin ng mga Pilipino ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, na sinundan ng korapsyon sa gobyerno,pagkakaroon ng abot-kayang pagkain, pasahod ng mga manggagawa at paglikha ng trabaho.
Isinagawa ang survey mula September 25 hanggang 30 at may ±3% margin of error sa 95% confidence level.









