Kung mayroon ngang katiwalian sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), dapat ay kaagad ibulgar ang mga responsable rito, ayon kay Senator Grace Poe kaugnay ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang operasyon ng PCSO.
Binigyang diin ng senador na kailangang pangalanan na ang mga tiwaling opisyal sa PCSO, para maipagpatuloy ang mga programang pangkalusugan ng gobyerno, kabilang ang Universal Health Care Law.
“Kapag may duda talaga ng korapsyon, dapat maibulgar agad kung sino ‘yun at ‘yung mga hindi naman dapat apektado ay maipagpatuloy, para naman makapagbigay ng pera para sa pangangailangan ng ating mga kababayan,” ani Poe.
Ayon pa sa senador, taumbayan ang pinagnanakawan ng mga opisyal ng PCSO kung totoo man na may katiwalian sa ahensya.
Lalo na aniya ang mga mahihirap na tumataya sa lotto at “inilalagay ang pangarap na mapabuti ang kani-kanilang buhay.”
“Kapag mayroon kasing korapsyon sa PCSO, ang ninanakawan bale niyan ay ang ating mga kababayan na dumedepende dito sa tulong ng gobyerno sa pamamagitan ng PCSO,” aniya.
“Kaya sana mas mabilis na maresolba kung sino man ‘yun; maisiwalat na kung sinong responsable dahil kung walang pondo ang PCSO, maraming programa ng gobyerno katulad ng kalusugan ang maapektuhan,” dagdag ng senador.