Iginiit ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat matapos na ang korapsyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bago ipasa ng Senado ang panukalang magtataas ng buwis sa Alcoholic Products.
Ayon kay Gatchalian, noong 17th Congress ay itinaas ang buwis sa sigarilyo upang mapondohan ang Universal Healthcare Program, at mabawasan ang bilang ng mga naninigarilyo.
Ang planong pagtaas ng Excise Tax sa nakalalasing na inumin ay layon ding pondohan ang UHC Program, sa pamamagitan ng PhilHealth subalit lumalabas sa mga ulat na malaki ang nawawala sa PhilHealth dahil sa korapsyon.
Matatandaang nitong Pebrero ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Universal Healthcare Act, na awtomatikong ine-enroll ang lahat ng Pilipino sa National Health Insurance Program.