
Nagbabala ang Department of Budget and Management (DBM) sa mga supplier ng pamahalaan na hindi na makakalusot ang mga maanomalyang bidding schemes sa ilalim ng New Government Procurement Act (NGPA).
Ayon sa DBM, hindi na uubra ang mga palit-ulo, palit-pangalan, at paggamit ng dummy owners dahil sa bagong batas na nagtataguyod ng tapat, patas, at transparent na public procurement.
Isa sa mga probisyon ng NGPA ang mandatory disclosure ng beneficial ownership information, kung saan kailangang ilantad ng mga kumpanyang sasali sa bidding ang tunay na may-ari o sinumang may kontrol sa kanilang operasyon upang maiwasan ang conflict of interest at katiwalian.
Batay sa datos ng Government Procurement Policy Board–Technical Support Office, mahigit 65 porsyento ng bidders ay may magkakaparehong may-ari, habang nasa 71 porsyento naman ang konektado sa mga opisyal ng pamahalaan.
Patunay anila ito na kailangan ang mas mahigpit na pagsusuri sa bidding.
Samantala, kailangan na ring magsumite ng beneficial ownership information ang mga kumpanya sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) para sa Platinum registration, na requirement sa paglahok sa bidding.
Sabi ng DBM, awtomatikong sususpendihin ang registration ng mga mabibigong magsumite ng dokumento.









