Korean company na magsusuplay ng automated election system sa 2025 midterm elections, nagisa sa pagdinig ng Senado

PHOTO: Senate of the Philippines

Nakatikim ng sermon mula sa mga senador ang MIRU Systems, ang Korean company na napiling magsuplay ng automated election system ng Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 midterm elections.

Sa pagdinig ng Senado, iginiit ni Senate Committee on Electoral Reforms Chairperson Imee Marcos na hindi maganda ang track record ng MIRU.

Aniya, sa Congo kung saan ang MIRU ang nagsuplay ng mga makinang ginamit sa halalan, 45.1% ng mga polling stations ang nakaranas ng aberya sa naturang teknolohiya habang 75% ng voting machines ang nag-malfunctioned sa Iraq at napilitang bilangin ‘manually’.


Katwiran naman ng mga kinatawan ng MIRU, hindi totoong pumalya ang 75% ng voting machines sa Iraq at sa transmission nagkaproblema at wala ring nangyaring depekto sa pagpasok ng balota maging sa naging bilangan ng boto.

Samantala, iginiit ng MIRU na masyadong exaggerated ang lumabas na 45% na aberya sa mga polling precincts sa Congo at ang naging problema ay sa logistics na hindi na kontrolado ng kumpanya.

Tiniyak naman ni Comelec Chairman George Garcia na ang rerentahang mga makina ay bago at may ilalatag din silang contingency measures para sa gagawing automated election.

Facebook Comments