Korean na nag-major ng Filipino, umani ng papuri mula sa mga Pinoy

Facebook/Kim Jeeyoon

Nagpaabot ng pagbati ang maraming Pinoy netizens sa isang Korean national na nagpakadalubhasa sa wikang Filipino.

Sa Facebook post ni Prof. Jovy Peregrino ng Unibersidad ng Pilipinas (UP), binati niya si Kim Jeeyoon na nakapagtapos sa Busan University of Foreign Studies, major in Filipino.

“Pagbati. Kim Jeeyoon sa iyong pagtatapos sa Busan University of Foreign Studies major sa Filipino. Ikinararangal kita. Mabuhay ka,” saad ng propesor sa post.


Sa sariling post naman ni Kim, ipinahayag niya ang pagkagalak sa wikang Filipino.

“Nakatanggap po ako ng maraming pagbati sa aking pagtatapos. Kaya masaya po ako ngayon. Ikinararangal ko po. Maraming salamat po sa inyong lahat,” ani Kim.

Kuwento ni Kim sa ulat ng Coconuts Manila, naengganyo siyang pag-aralan ang wikang Filipino noong kumuha siya ng internship sa Pilipinas noong 2015.

Malaking tulong ang mga naging kaibigan ni Kim sa bansa, lalo na si Professor Peregrino sa pagiging matatas niyang magsalita.

Bumuhos naman ang pagbati at papuri sa post ng propesor at ni Kim.

Facebook Comments