Arestado ang isang Korean national matapos gumamit ng pekeng pasaporte paalis ng Pilipinas.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente, nahuli si Kwak Dong Hee, 26-anyos, sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na papunta sanang Vietnam.
Aniya, ginamit ni Kwak sa kaniyang passport ang pangalang Erik Nacis, na tubong Meycauayan, Bulacan.
Sabi ni Morente, naghinala ang immigration officer na nagpoproseso kay Kwak nang mapagtantong hirap siyang makipag-usap gamit ang Filipino.
Kalaunan ay inamin ni Kwak na isa siyang Korean citizen at peke ang kaniyang pasaporte.
Isa rin umanong Korean national na hindi niya pinangalanan ang gumawa ng kaniyang pekeng passport sa halagang P120,000.
Agosto 2015 dumating sa bansa si Kwak o nangangahulugang mahigit tatlong taon na siyang overstaying.
Hinahanda na ang mga kasong isasampa sa suspek na ipade-deport din.