
Pormal nang binuksan ang bagong Korean Police Help Desk sa Angeles City Police Station 4 sa Pampanga upang mas palakasin ang serbisyong pangseguridad para sa lumalaking Korean community sa lungsod.
Dumalo sa inagurasyon sina Ambassador Lee Sang-Hwa ng Republic of Korea, Usec. Gilberto Cruz, Executive Director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Choi Jong Pil, pangulo ng Korean Association sa Angeles City, kasama ang iba pang lider ng Korean communities.
Layon ng nasabing help desk na magbigay ng dedicated platform para sa mga Korean nationals upang makapag-report ng krimen, humingi ng tulong, at makakuha ng gabay sa usaping pangseguridad.
Nagpasalamat naman si Ambassador Lee sa gobyerno ng Pilipinas at PNP dahil sa tulong na ibinibigay sa kanilang mga kababayan.
Samantala, sinabi ni PRO3 Regional Director, PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr., na may nakatalagang mga tauhang sinanay upang magbigay ng agarang atensyon at serbisyo ayon sa kultura ng mga Koreans.









